Ang basokonhestiyon, mula sa Ingles na vasocongestion (vaso + congestion: literal na "sisidlan ng dugo na napuno" o "pagkapuno ng lalagyan ng dugo"), ay ang pagkaipon o pagtaas ng dami ng dugo at pluwido sa loob ng isang partikular na lugar ng katawan.[1] Ito ang pamamaga ng mga tisyu ng katawan dahil sa pagtaas ng daloy ng dugong baskular at isang lokalisado o doon lamang sa iisang lugar na pagtaas ng presyon ng dugo. Ang karaniwang mga sanhi ng basokonhestiyon sa mga tao ay kinabibilangan ng pagreregla, pagkahimok na seksuwal, pagtulog na REM, malalakas na mga damdamin, mga karamdaman at mga pagtugon sa alerhiya (reaksiyong alerhiko).

Mga sakit

baguhin

Ang mga pamumulikat na pangregla ay isa sa pinaka karaniwang mga pangalawang epekto o side effect ng basokonhestiyon sa mga babaeng adulto. Bagaman iba-iba ang pananakit at kakulangan sa ginhawa ng mga indibiduwal, ang basokonhestiyon ay isa sa mahahalagang bahagi ng pagpapadanak o paghuhunos ng sapin ng uterus. Ang abnormal na basokonhestiyon habang nagaganap ang siklo ng menstruwasyon ay maaaring humantong sa iregular na pagdurugo, malubha at nakapagpapanlupaypay na mga pulikat at anemya dahil sa mataas na daloy na pangregla.

Ang pansamantalang basokonhestiyon ng mga pisngi ng mukha ay nakapagdurulot ng pamumula ng mukha. Maaaring ito ay dahil sa mga damdamin ng galit o pagkapahiya. Ang sakit na rosacea ay isang kronikong kalagayan ng basokonhestiyon ng mukha na pangunahing nakakaapekto sa mga pisngi at ilong, subalit maaaring magsangkot ng ibang mga bahagi katulad ng mga mata at ng baba.

Ang basokonhestiyon sa lugar na nakapaligid sa butas ng puwit ng tao ay maaaring humantong sa pagkakaroon ng almoranas.

Kaasalang seksuwal ng tao

baguhin

Ang basokonhestiyon ay mahalaga para sa prokreasyong seksuwal sa mga mamalya dahil ito ang puwersang nagdurulot ng paninigas ng isang titi habang nagaganap ang ereksiyon o pagtayo. Ang puwersa ring iyon ang humahantong sa paninigas ng tinggil at lubrikasyon ng puki habang nakadarama ng seksuwal na pagkapukaw.[2] Ang pagbaba ng basokonhestiyon sa mga babaeng natapos na ang menopause ay maaaring humantong sa pangangailangan na ang mga babaeng ito ay gumamit ng artipisyal na lubrikanteng pangseks upang maiwasan ang pananakit habang nakikipagtalik.

Ang iba pang uri ng basokonhestiyon habang nangyayari ang gawaing seksuwal na pangtao ay kinabibilangan ng pamumula dahil sa pakikipagtalik (sex flush) at ang pamamaga ng mga utong ng mga lalaki at ng mga babae.[3]

Ang hindi kanais-naisa na mga pangalawang epekto ng basokonhestiyon na may kaugnayan sa pakikipagtalik ay maaaring humantong sa mga pananakit na kahalintulad ng pulikat ng tinatawag sa Ingles na blue balls o "nangangasul na mga bayag"[4] sa mga lalaki at isang hindi maginhawang "kabigatan" sa balakang ng mga babae,[5] na kahalintulad ng sa pagsisimula ng siklo ng regla.

Mga sanggunian

baguhin
  1. Harmatz, Morton G. at Melinda A. Novak. Glossary, Human Sexuality, Harper & Row Publishers, New York, 1983, pahina 570.
  2. Vern L. Bulloch, Science in the Bedroom Naka-arkibo 2006-10-22 sa Wayback Machine., 1994. (Napuntahan noong Oktubre 10, 2006).
  3. The Sexual Response Cycle Naka-arkibo 2011-07-25 sa Wayback Machine., Sex Info, University of California at Santa Barbara. (Napuntahan noong Oktubre 10, 2006).
  4. Blue Balls Naka-arkibo 2010-04-24 sa Wayback Machine., Sinclair Intimacy Institute, 2002. (Napuntahan noong Oktubre 10, 2006).
  5. Sexual Function and Estrogen Naka-arkibo 2013-02-28 sa Wayback Machine., Canadian Consensus Conference on Menopause, 2006 Update. (Napuntahan noong Oktubre 10, 2006).
  NODES