Ang bayan (Ingles: town; Kastilla: villa) ay isang pamayanang pantao. Pangkalahatang mas-malaki ang mga bayan kaysa mga nayon at mas-maliit kaysa mga lungsod, bagamat naiiba sa bawat panig ng mundo ang kraytirya na nagbubukod sa mga ito.

Bayan ng Agdangan sa lalawigan ng Quezon, Pilipinas
Bayan ng San Quintin sa lalawigan ng Abra, Pilipinas
Bayan ng Lemgo, isang lumang bayang hanseatiko sa Alemanya
Makasaysayang bayan ng Skalica sa Eslobakiya
Çeşme, isang bayan sa kanlurang baybayin ng Turkiya na may mga bahay na taglay ang estilong panrehiyon at isang kastilyong Otomano

Karaniwang umiiral ang mga bayan bilang mga natatanging yunit ng pamahalaan, na may ligal na mga hangganang tukoy at ilan o lahat ng karapatan o pribilehiyo ng lokal na pamahalaan (tulad ng kapulisan). Sa Estados Unidos, tinatawag na "mga saping bayan" ("incorporated towns") ang mga ito. Sa ibang mga kaso walang sariling pamamahala ang isang bayan at ito naman ay "unincorporated" (hindi sapi). Tandaan na maaaring ligal na itinakda ang pag-iral ng isang hindi saping bayan sa pamamagitan ng ibang kaparaanan, tulad ng mga distrito sa pagsosona (zoning districts). Sa kaso ng ilang mga pamayanang planado (planned communities) umiiral ang bayan sa ligal na konteksto sa katauhan ng mga kasunduan sa mga ari-arian ng bayan.

Sa isang kahalintulad na banda, ang pagkakaiba ng isang bayan sa isang lungsod ay nakadepende sa pamamaraan na ito: ang isang lungsod ay maaaring isang entidad administratibo na ginawaran ng gayong designasyon sa pamamagitan ng batas, ngunit sa impormal na paggamit maari ding tumutukoy ang terminong ito sa isang urbanong lokalidad na may tiyak na laki o kahalagahan. Ang isang lungsod noong Gitnang Kapanahunan ay may taglay ng hindi hihigit sa 10,000 katao, ngunit sa kabilang banda itinuturing ng ilan[sinong nagsabi?] ang isang pook urbano bilang isang bayan kung mas-kaunti sa 100,000 katao ang populasyon nito, kahit na maraming opisyal na mga lungsod ay may taglay na populasyong mas-maliit sa 100,000 katao.

Ayon sa bansa

baguhin

Pilipinas

baguhin
 
Ang liwasan ng Loboc.

Sa Pilipinas, ang opisyal na katumbas ng isang bayan ay isang munisipalidad (Ingles: municipality). Bawat mga munisipalidad o bayan sa bansa ay may alkalde, bise alkalde, at pampook na mga Sangguniang Bayan. Ang mga bayan sa bansa ay binubuo ng mga nayon na kung tawagin ay mga barangay, at may isa o ilang kumpol ng mga barangay ang nagsisilbing kabayanan ng bayan o poblasyon.

Natatangi ang mga bayan sa Pilipinas kung ihahambing sa mga bayan sa ibang bansa, sapagkat may itinakdang mga rekisito sa badyet, populasyon, at sukat sa lupa para maging isang bayan: iyan ay, maging isang bayan mula sa isang barangay o ilang kumpol ng barangay o maging isang lungsod mula sa isang bayan. Ilang mga halimbawa ay ang bayan ng Braulio E. Dujali sa lalawigan ng Davao del Norte, na binuo noong 1998 mula sa isang kumpol ng limang mga barangay, at ang lungsod ng El Salvador sa lalawigan ng Misamis Oriental, na itinaas sa lungsod mula sa pagiging bayan noong 2007. Ini-uri ang bawat mga bayan sa Pilipinas ayon sa kanilang taunang kita at badyet.

Umiiral ang isang maliwanag na pagkakaiba ayon sa pagkakaantas-antas sa pagitan ng mga lungsod at bayan ng Pilipinas, sapagkat ang mga bayan sa bansa ay iba sa mga lungsod ayon sa batas. Karaniwang mas-malaki at mas-matao ang mga lungsod (subalit mas-maliit at mas-kaunti ang populasyon ng ilan) at mas-angat ang katayuang pampolitika at ekonomiko ng mga ito kompara sa mga bayan. Ito ay ipinagtibay at tinutukoy ng sistemang klasipikasyon ng kita na ipinatutupad ng Kagawaran ng Pananalapi, kung saang itinakda sa kani-kanilang mga kategorya ang kapuwang mga bayan at lungsod na tumutukoy sa kanilang klase tulad ng ipinahahayag sa batas ng Pilipinas. Subalit parehong may katayuan ng mga yunit ng lokal na pamahalaan (local government units o LGU) ang mga bayan at lungsod na iginrupo sa mga lalawigan at rehiyon; kapuwang binubuo ng mga barangay ang mga bayan at lungsod at pinamamahalaan ang mga ito ng isang alkalde at bise alkalde kalakip ng kani-kanilang mga sangguniang lehislatibo ng LGU.

Afghanistan

baguhin

Sa Afghanistan, karaniwang tinatawag na shār (Dari: شهر, Pashto: ښار) ang mga bayan at lungsod.[1] Dahil isang lipunang rural ang bansa sa malaking bahagi ng kasaysayan nito, at wala pa sa 100,000 katao ang populasyon ng pangunahing mga lungsod nito bago sumapit ang dekada-2000, hindi ibinubukod ng lingguwistikong tradisyon ng bansa ang mga bayan at lungsod.

Canada

baguhin

Naiiba ang ligal na kahulugan ng bayan sa Canada sa mga lalawigan at teritoryo nito, dahil bawat isa sa kanila ay may hurisdiksiyon sa pagtukoy at pagsasabatas ng mga bayan, lungsod, at ibang mga uri ng organisasyong munisipal sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Natatangi ang lalawigan ng Québec dahil walang pagkakaiba ang mga bayan at lungsod sa kanilang batas. Walang panggitnang antas sa wikang Pranses sa pagitan ng village at ville (ang munisipalidad ay isang katawagang pampangasiwaan na kadalasang ikinakabit sa isang ligal na entidad, hindi pangheograpiyang entidad), kaya sinama ang kapuwa sa ilalim ng iisang katayuang ligal na ville. Bagamat may impormal na kagustuhan sa mga nagsasalita ng Ingles kung alin sa ville ay mga bayan o lungsod, walang pagkakaiba at walang umiiral na obhetibong kraytiryang ligal para sa gayong mga pagkakaiba sa ilalim ng batas.

 
Ang gorod (bayan/lungsod) ng Vyborg sa Leningrad Oblast, Rusya

Hindi tulad sa wikang Ingles, hindi ibinubukod ng wikang Ruso ang mga katawagang "lungsod' at "bayan"—kapuwa ay tinatawag na "город" (gorod). Kung minsan, ikinakabit din ang terminong "город" sa mga pamayanang uring-urbano (urban-type settlements), kahit na hindi pareho ang katayuan ng mga ito sa mga bayan/lungsod.

Sa Rusya, ang kraytirya para sa isang pamayanan na makamit ang katayuang panlungsod/pambayan (gorod) ay naiiba sa mga kasakupang pederal (mga pangunahing dibisyon ng Rusya). Sa panlahatan, upang mapabilang sa katayuang ito, dapat na hindi bababa sa 12,000 katao ang populasyon ng isang pamayanang pantao, at ang kabuhayan ng hindi bababa sa 85% ng mga nakatira ay hindi pang-agrikultura. Subalit sa kadahilanang pangkasaysayan, maaari pa ring panatilihin ng mga pamayanang ginawaran ng katayuang gorod noon ang kanilang katayuang pang-gorod pero hindi na pumapasa sa nabanggit na kraytirya.

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. "A dictionary of the Puk'hto, Pus'hto, or language of the Afghans". dsalsrv0 2.uchicago.edu. Inarkibo mula sa orihinal noong 2021-01-29. Nakuha noong 2018-05-04.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga pinagkuhanan

baguhin

Mga kawing panlabas

baguhin
 
Wiktionary
Tingnan ang Bayan sa
Wiktionary, ang malayang talahulugan.
  NODES
mac 1
os 5
web 1