Romulo at Remo

Kambal na pangunahing tauhan sa alamat ng pagkatatag ng Roma
(Idinirekta mula sa Remus)

Sina Romulo at Remo ay ang maalamat na mga tagapagtatag ng Roma. Sa mitolohiyang Romano, sila ay kambal na magkapatid, na mga anak na lalaki nina Rhea Silva at ng diyos na si Marte. Si Romulo at Remo ay ang kambal na tagapagtatag ng Roma na nasa loob ng tradisyunal na mito ng pagtatatag nito, bagaman paminsan-minsang sinasabi na si Romulo lamang ang nag-iisang tagapagtatag ng Roma. Ang kanilang lolo sa ina ay si Numitor, ang karapat-dapat na hari ng Alba Longa, isang kaapu-apuhan ng prinsipeng Troyanong si Aeneas, at ama ni Rhea Silvia (nakikilala rin bilang Ilia). Bago sila ipaglihi, tinanggal ni Amulius (kapatid na lalaki ni Numitor) si Numitor mula sa kanyang tungkulin bilang hari. Pinatay din ni Amulius ang mga anak ni Numitor at pinuwersa si Rhea na maging isang Birheng Malinis (Birheng Banal), na may intensiyong ipagkait kay Numitor ang pagkakaroon ng makabatas na mga tagapagmanan at kung gayon masiguro ang kanyang posisyon; subalit ipinagdalangtao ni Rhea sina Romulo at Remo sa pamamagitan ng diyos na si Marte, ngunit maaari ring sa pamamagitan ng demi-diyos na si Herkules. Nang ipanganak ang kambal, iniwan at pinabayaan sila ni Amulius sa isang pook upang mamatay subalit nailigtas sila sa pamamagitan ng magkakasunod na mahihimalang mga pamamagitan. Isang babaeng lobo ang nakatagpo sa kanila at pinasuso sila. Pagkaraan, isang pastol at asawa nito ang umampon sa kanila at inalagaan sila at pinalaki bilang mga pastol. Ang kambal ay napatunayang likas na mga pinuno at nagkamit ng maraming mga tagasunod. Nang ipaalam sa kanila ang kanilang tunay na mga katauhan, pinaslang nila si Amulius, at ibinalik si Numitor sa trono ng Alba Longa at nagpasyang itatag ang isang bagong lungsod para sa kanilang mga sarili.

Romulo at Remo.
Ang pagpapasuso ng isang babaeng lobo kina Romulo at Remo.

Ninais ni Romulo na magtatag ng isang bagong lungsod sa Burol Palatino ngunit mas pinipili ni Remo ang Burol Aventino.[1] Nagkasundo silang piliin ang lugar sa pamamagitan ng augurya, kung saan isang paring manghuhula o augur ang magpapasya. Tila si Romulo ang nakatanggap na mas mabiyayang mga tanda subalit ang bawat isa sa kambal ay nag-aangkin na ang mga resulta ay nasa kani-kaniyang pabor. Sa sumunod na mga pagtatalo, napatay si Remo.[2] Pinaimbento ni Ovid kay Romulo ang kapistahan ng Lemuria upang payapain ang nagtatampong multo ni Remo.[3] Pinangalanan ni Romulo ang bagong lungsod bilang Roma, na isang pagpapangalan magmula sa kanyang sariling pangalan. Nilikha ni Romulo ang Lehiyong Romano at ang Senadong Romano. Ang populasyon ng Roma ay pinakapal ng mga pumapasok dito, kabilang na ang mga nangangalong (repuhiyado o nangingibang bayan) na walang lupa at mga salarin, na karamihang mga lalaki. Pinaghandaan ni Romulo ang pang-aagaw ng mga babae magmula sa kanugnog na mga tribong Sabino, na kaagad na humantong sa digmaan subalit lumaong nagresulta sa pagsasanib ng mga Sabino at ng mga Romano bilang pinag-isang mga taong Romano. Mabilis na lumawak ang Roma bilang isang nangingibabaw na puwersa sa gitnang Italya, dahil sa banal na pagbibiyaya at kinasihan o inspiradong pamumunong pangpangangasiwa, pangmilitar, at pampolitika ni Romulo. Sa lumaong naging buhay ni Romulo, si Romulo ay naging mas awtokratiko, na nawawala dahil sa misteryosong mga pagkakataon, at sinamba bilang ang diyos na si Quirinus, ang sagradong persona ng mga taong Romano.

Ang imahe ng babaeng lobo na nagpapasuso sa kambal na sinupling ng diyos ay naging isang mahuwarang kinatawan o representasyon ng lungsod at ng maalamat na pagkakatatag nito, na nagdulot upang si Romulo at si Remo ay maging tampok na mga magigiting sa gitna ng mga batang lumaki sa kalikasan na paksa ng sinaunang mitograpiya. Sa kabuuan, ang alamat ay pumapalibot sa mga ideya ng Roma hinggil sa sarili nito, sa mga pinagmulan nito, at sa mga pagpapahalagang nauukol sa mabuti at matuwid na kaugalian. Para sa makabagong kadalubhasaan, nananatili itong isa sa pinakamasalimuot at pinakamasuliranin sa lahat ng mga mitong pampagtatatag, lalo na sa paksa at paraan ng pagkamatay ni Remo. Walang duda ang sinaunang mga manunulat ng kasaysayan na si Romulo ang nagbigay ng kanyang pangalan sa lungsod. Karamihan sa makabagong mga historyador ang naniniwala na ang kanyang pangalan, bilang tauhan ng alamat ng pagkakatatag ng Roma, ay isang pagpapahaba ng pangalang Roma; samantala, ang batayan para sa pangalan ni Remo at gampanin ay nananatiling mga paksa kapwa ng sinauna at makabagong paggunita at pagwawari; ang mito o alamat ay ganap na ang pagkaunlad upang maging isang "opisyal" na bersiyong kronolohikal noong kapanahunan ng Panghuling Republikano at maagang panahong Imperyal. Pinetsahan ng mga Romanong manunulat ng kasaysayan ang pagtatatag ng lungsod mula 758 hanggang 728 BK. Sinabi ni Plutarch na si Romulo ay namatay sa gulang na limampu't tatlo; batay sa kanyang pagwawari at pagbibilang, ang taon ng kapanganakan ng kambal ay nasa bandang 771 BK. Ang mga maaaring naging batayan para sa malawak na pangmitolohiyang salaysay ay nananatiling malabo at pinagtatalunan; napakakakaunting mga modernong dalubhasa ang tumatanggap kina Romulo at Remo bilang mga tao na pangkasaysayan at makasaysayan. Ang arkeologang si Andrea Carandini ay isa sa mga napakakakaunting makabagong mga dalubhasa na tumatanggap sa pagiging makapangkasaysayan nina Romulo at Remo, na batay sa pagkakatuklas ng isang sinaunang pader noong 1988 na nasa hilagang gulod ng Burol na Palatino sa Roma. Pinetsahan ni Carandini ang kayarian na nagmula pa sa kalagitnaan ng ika-8 daantaon BK at pinangalan niya itong Murus Romuli (nangangahulugang "Moog ni Romulo", na sa literal na pananalita ay "Pader ni Romulo").[4]

Mga sanggunian

baguhin
  1. Dionysius ng Halicarnasus. Roman Antiquities 1.85
  2. Plutarch Life of Romulus 9.
  3. Ovid. Fasti 5.461
  4. Tingnan ang Carandini. La nascita di Roma. Dèi, lari, eroi e uomini all'alba di una civiltà (Torino: Einaudi, 1997); pati na ang Carandini. Remo e Romolo. Dai rioni dei Quiriti alla città dei Romani (775/750 - 700/675 a. C. circa) (Torino: Einaudi, 2006)
  NODES