Ang Dakilang Alon sa Labas ng Kanagawa
Ang Dakilang Alon sa Labas ng Kanagawa (Hapones: 神奈川沖浪裏 Hepburn: Kanagawa-oki Nami Ura, lit. na 'Sa Ilalim ng Alon sa Labas ng Kanagawa') ay isang impresyon ni Hokusai, isang Hapones na alagad ng ukiyo-e, na inilikha noong patapos ng 1831 noong panahong Edo sa kasaysayan ng Hapon. Naglalarawan ang limbag ng tatlong bangka na dumadaan sa binabagyong dagat, na may malaking, gasuklay na alon na bumubuo ng ispayral sa gitna sa ibabaw ng mga bangka, at kita ang Bundok Fuji sa likuran.
Ang Dakilang Alon sa Labas ng Kanagawa | |
---|---|
神奈川沖浪裏, Kanagawa-oki Nami Ura | |
Alagad ng sining | Katsushika Hokusai |
Taon | 1831 |
Tipo | Ukiyo-e (Impresyon) |
Sukat | 25.7 cm × 37.9 cm (10.1 pul × 14.9 pul) |
Ang limbag ay ang pinakakilalang gawa ni Hokusai at ang una sa kanyang seryeng Tatlumpu't anim na Tanawin ng Bundok Fuji, kung saan napabago ang mga imprentang Hapones dahil sa paggamit ng Prusong bughaw. Ang komposisyon ng Ang Dakilang Alon ay isang sintesis ng tradisyonal na imprentang Hapones at paggamit ng perspektibong grapikal na nilinang sa Europa, at umani siya ng agarang tagumpay sa Hapon at kalaunan sa Europa, kung saan ang sining ni Hokusai ay nagbigay-inspirasyon sa mga gawa ng mga Impresyonista. Sa buong mundo, may mga kopya ang ilang mga museo ng Ang Dakilang Alon, na nagmula ang marami sa mga ito sa mga pribadong koleksyon ng mga imprentang Hapones noong ika-19 na siglo. Mga 100 limbag lamang, sa iba't ibang kondisyon, ang inaakalang nakaligtas hanggang sa ika-21 siglo.
Nailarawan Ang Dakilang Alon sa Labas ng Kanagawa bilang "posible na ang pinakanakopyang larawan sa buong kasaysayan ng sining",[1] pati na rin ang pagiging kontringkante para sa "pinakatanyag na likhang sining sa kasaysayan ng Hapon".[2] Nag-impluwensiya itong impresyon sa ilang mga Kanluraning alagad-sining at musikero, kabilang dito sina Claude Debussy, Vincent van Gogh at Claude Monet. Nabigyang-inspirasyon din ang mga nakababatang kolega ni Hokusai, Hiroshige at Kuniyoshi, na gumawa ng kanilang sariling mga sining na tuong-alon.
Konteksto
baguhinSining na ukiyo-e
baguhinAng ukiyo-e ay paraang Hapones sa pag-iimprenta na umunlad noong ika-17 hanggang ika-19 na siglo. Nakagawa ang mga alagad nito ng mga impresyon at mga ipinintang larawan ng mga paksa tulad ng mga magagandang babae; mga artista sa kabuki at mga mambubuno sa sumo; mga eksena mula sa kasaysayan at kuwentong-bayan; mga eksena sa biyahe at mga tanawin; sanghalamanan at sanghayupan ng Hapon; at erotika. Isinasalin ang ukiyo-e (浮世絵) bilang "[mga] larawan ng mundong lumulutang".
Matapos maging luklukan ng namahalang shogunatong Tokugawa ang Edo (o Tokyo ngayon) noong 1603,[3]:4-5 pinakanakinabang ang klaseng chōnin na binuo ng mga mangangalakal, artesano, at manggagawa sa mabilisang paglago ng ekonomiya ng lungsod,[4]:66 at nagsimulang magpakasawa at tumangkilik sa aliwan ng teatrong kabuki, geisha, at mga kortesana ng mga distrito ng aliwan;[3]:4-5 naging pantukoy ang salitang ukiyo sa ganitong hedonistikong pamumuhay. Pumatok ang mga imprenta o pinturang ukiyo-e sa klaseng chōnin, na yumaman nang sapat na kayang palamutian ang kani-kanilang mga bahay ng mga dekorasyong ito.[3]:6
Lumitaw ang mga pinakaunang gawang ukiyo-e, mga pinta at mga monokromatikong imprenta ng mga babae, noong d. 1670.[5]:31 Unti-unting nagkaroon ng mga de-kolor na imprenta, at noong umpisa ay ginamit lang sa mga espesyal na komisyon. Pagsapit ng d. 1740, gumamit ang mga alagad-sining tulad ni Okumura Masanobu ng maraming bloke ng kahoy para makapagimprenta ng mga kulay.[6]:77 Noong d. 1760, humantong ang pagtagumpay ng mga "imprentang brokado" ni Suzuki Harunobu sa pagiging karaniwan ng buong-kulay na produksiyon, kung saan ginagamit ang sampu o higit pang mga bloke sa paggawa ng bawat limbag. Nagdalubhasa ang ilang alagad ng ukiyo-e sa paggawa ng pintura, ngunit imprenta ang karamihan ng gawa.[6]:81 Bihirang nag-ukit ang mga alagad mismo ng kanilang mga blokeng kahoy; sa halip, nakahati ang produksiyon sa alagad, na nagdisenyo ng mga imprenta, sa mang-uukit, na nag-ukit ng mga blokeng kahoy, sa manlilimbag, na nagtinta at naglapag ng mga blokeng kahoy sa yaring-kamay na papel, at sa tagapaglathala, na tumustos, nagtaguyod, at namahagi ng mga gawa. Dahil de-kamay ang pag-imprenta, nagawa ng mga manlilimbag ang mga epekto na hindi praktikal sa paggamit ng makina, tulad ng paghahalo o gradasyon ng kulay sa bloke ng pag-imprenta.[7]:11
Alagad
baguhinIpinanganak si Katsushika Hokusai sa Katsushika, Hapon, noong 1760 sa isang distritong pasilangan ng Edo.[8]:120 Anak siya ng isang shogung tagagawa ng salamin, at sa edad na 14, pinangalanan siyang Tokitarō.[9] Hindi kailanman kinilala si Hokusai bilang tagapagmana, kaya malamang na kerida ang kanyang nanay.[10]:116
Nag-umpisang magpinta si Hokusai noong siya ay anim na taong gulang, at noong siya ay labindalawa, ipinadala siya ng kanyang ama upang magtrabaho sa isang tindahan ng aklat. Sa edad na labing-anim, siya ay naging aprentis ng mang-uukit. Nanatili siya roon ng tatlong taon habang nagsimulang lumikha ng sarili niyang mga ilustrasyon. Sa edad na labing-walo, tinanggap si Hokusai bilang aprentis ni alagad Katsukawa Shunshō, isa sa mga pinakadakilang alagad ng ukiyo-e sa kanyang panahon.[8]:120 Noong namatay si Shunshō noong 1793, pinag-aralan ni Hokusai nang mag-isa ang mga istilong Hapones at Tsino, pati ang ilang mga pintang Olandes at Pranses. Noong 1800, inilathala niya ang Mga Sikat na Tanawin ng Silangang Kabisera at Walong Tanawin ng Edo, at nag-umpisang magtanggap ng mga aprentis.[10]:117 Noong panahong ito, sinimulan niya ang paggamit ng pangalang Hokusai; sa panahon ng kanyang buhay, gumamit siya ng higit sa 30 palayaw.[10]:116
Noong 1804, sumikat si Hokusai nang gumawa siya ng 240 metro kuwadradong (2,600 pi kuw) guhit ng isang Budistang monghe na si Daruma para sa isang pista sa Tokyo.[9] Dahil nagkaproblema siya sa pera, noong 1812, inilathala niya ang Mga Mabilisang Aralin sa Pinasimpleng Pagguhit, at nagsimulang maglakbay sa Nagoya at Kyoto upang makapangalap ng mas maraming estudyante. Noong 1814, inilathala niya ang una sa 15 manga; mga bolyum ng guhit-guhit ng mga paksang kinaiinteresan niya, tulad ng mga tao, hayop, at Buddha. Inilathala niya ang kanyang tanyag na seryeng Tatlumpu't anim na Tanawin ng Bundok Fuji noong huling bahagi d. 1820; naging napakapopular ito kaya kinailangan niyang magdagdag ng sampu pang limbag.[10]:118 Namatay si Hokusai noong 1849 sa edad na 89.[11]:468[10]:120
Ayon kay Calza (2003), sinabi ni Hokusai ilang taon bago siya namatay ang sumusunod:
Mula sa edad na anim, nagkahilig ako sa pagkopya ng anyo ng mga bagay at mula sa edad na limampu, naglathala ako ng maraming mga guhit, gayunpaman sa lahat ng aking iginuhit pagsapit ng aking ikapitumpung taon, wala nang dapat bigyan ng pansin. Sa pitumpu't tatlong taon, bahagyang naunawaan ko ang istraktura ng mga hayop, ibon, insekto at isda, at ang buhay ng mga damo at halaman. At sa gayon, sa ikawalumpu't anim ay aasenso pa ako; sa siyamnapu, lalo ko pang matutuklasan ang kanilang lihim na kahulugan, at sa isang daan, maaabot ko na ata ang kinahahangaan at kabanalang antas. Kapag isang daan at sampu na ako, magkakaroon ng sariling buhay ang bawat tuldok, bawat linya.[12]:7
Paglalarawan
baguhinAng Dakilang Alon sa Labas ng Kanagawa ay isang imprentang pahiga o yoko-e na ginawa sa malaking sukat o sukat ōban na 25 cm × 37 cm (9.8 pul × 14.6 pul).[13][14]:230 Binubuo ang tanawin ng tatlong elemento: mabagyong dagat, tatlong bangka, at isang bundok. Kita ang lagda ng alagad-sining sa kaliwang sulok sa itaas.
Bundok
baguhinNasa likuran ang Bundok Fuji na may tuktok na nabalutan ng niyebe;[15]:13245 Ang Bundok Fuji ay ang sentral na pigura ng seryeng Tatlumpu't anim na Tanawin ng Bundok Fuji, kung saan nakalarawan ang bundok sa mga iba't ibang anggulo. Sa Ang Dakilang Alon sa Labas ng Kanagawa, ang Bundok Fuji ay kulay bughaw at may puting tuktok na kahawig sa alon sa harapan.[8]:119 Napapalibutan ang bundok ng kadiliman na nagpapahiwatig na nakatakda ang pintura sa madaling araw, kasabay ng pagsikat ng araw mula sa kinatatayuan ng manonood at simula ng iluminasyon ng maniyebeng tuktok. May mga kumulonimbong ulap sa pagitan ng bundok at manonood; bagaman karaniwang senyales ng bagyo ang ganitong mga ulan, walang ulan sa Fuji o sa pangunahing eksena.[8]:122-123
Mga bangka
baguhinSa eksena, may tatlong oshiokuri-bune, mga mabibilis na bangka na ginamit upang maghatid ng mga buhay na isda mula sa mga tangway ng Izu at Bōsō patungo sa mga merkado sa Look ng Edo.[6]:47[8]:121 Ayon sa pagsusuri nina Cartwright at Nakamura (2009), ang mga bangka ay nasa Look ng Edo (Tokyo) sa may labas ng tinatawag ngayon na Kanagawa-ku, Yokohama. Nasa hilaga ang Edo at nasa kanluran ang Bundok Fuji. Nakaharap sa timog ang mga bangka, malamang na patungo sa Look ng Sagami upang mangolekta ng kargamento ng isda para maibenta sa Edo.[8]:121 Ang bawat bangka ay may walong manggagaod na may hawak na sagwan. Sa harap ng bawat bangka, may dalawa pang tagapawi; 30 lalaki ang kinakatawan sa larawan ngunit 22 lamang ang nakikita. Maaaring tantiyahin ang laki ng alon gamit ang mga bangka bilang pagbabatayan: karaniwan 12 at 15 metro (39 at 49 tal) ang haba ng mga oshiokuri-bune. Kung isasaalang-alang na binawasan ng Hokusai ang patayong sukat ng 30%, mga 10 hanggang 12 metro (33 hanggang 39 tal) ang taas ng alon.[8]:123
Dagat at alon
baguhinNangingibabaw ang dagat sa komposisyon, na nakabatay sa hugis ng isang along palaki nang palaki bago bumagsak. Sa puntong ito, bumubuo ang alon ng perpektong pilipit na ang gitna nito ay dumadaan sa gitna ng disenyo, kaya makikita ng mga tagamasid ang Bundok Fuji sa likuran. Binubuo ang larawan ng mga kurba, na ang ibabaw ng tubig ay ekstensiyon ng mga kurba sa loob ng mga alon. Ang mga mabulang kurba ng malaking alon ay nakakalikha ng iba pang alon, na nakahati sa maraming munting alon na umuulit sa imahe ng malaking alon.[8]:119
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Wood, Patrick (20 Hulyo 2017). "Is this the most reproduced artwork in history?" [Ito ba ang pinakanakopyang likhang sining sa kasaysayan?]. ABC News (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 9 Nobyembre 2020. Nakuha noong 20 Mayo 2022.
- ↑ Gamerman, Ellen (18 Marso 2015). "How Hokusai's "The Great Wave" Went Viral" [Paano Nagin Viral ang "Ang Dakilang Alon" ni Hokusai]. The Wall Street Journal. Inarkibo mula sa orihinal noong 12 Enero 2017. Nakuha noong 11 Marso 2017.
- ↑ 3.0 3.1 3.2 Penkoff, Ronald (1964). Roots of the Ukiyo-e; Early Woodcuts of the Floating World [Mga Ugat ng Ukiyo-e; Mga Maagang Impresyon ng Mundong Lumulutang] (PDF) (sa wikang Ingles). Ball State Teachers College. OCLC 681751700. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 2 June 2022. Nakuha noong 21 May 2022.
- ↑ Singer, Robert T. (Marso–Abril 1986). "Japanese Painting of the Edo Period" [Pintang Hapones ng Panahong Edo]. Archaeology (sa wikang Ingles). 39 (2). Archaeological Institute of America: 64–67. JSTOR 41731745.
- ↑ Kikuchi, Sadao; Kenny, Don (1969). A Treasury of Japanese Wood Block Prints (Ukiyo-e). Crown Publishers. OCLC 21250.
- ↑ 6.0 6.1 6.2 Kobayashi, Tadashi (1997). Harbison, Mark A. (pat.). Ukiyo-e: An Introduction to Japanese Woodblock Prints (sa wikang Ingles). Kodansha International. ISBN 978-4-7700-2182-3.
- ↑ Salter, Rebecca (2001). Japanese Woodblock Printing [Hapones na Impresyon] (sa wikang Ingles). University of Hawaii Press. ISBN 978-0-8248-2553-9. Inarkibo mula sa orihinal noong 2022-05-17. Nakuha noong 2022-05-21.
- ↑ 8.0 8.1 8.2 8.3 8.4 8.5 8.6 8.7 Cartwright, Julyan H. E.; Nakamura, Hisami (20 Hunyo 2009). "What kind of a wave is Hokusai's Great wave off Kanagawa?" [Anong uri ng alon ang Dakilang alon sa labas ng Kanagawa ni Hokusai?]. Notes and Records of the Royal Society (sa wikang Ingles). 63 (2): 119–135. doi:10.1098/rsnr.2007.0039. S2CID 35033146.
- ↑ 9.0 9.1 "Katsushika Hokusai". El Poder de La Palabra (sa wikang Kastila). Inarkibo mula sa orihinal noong 17 Hunyo 2021. Nakuha noong 3 Hunyo 2022.
- ↑ 10.0 10.1 10.2 10.3 10.4 Weston, Mark (2002). Giants of Japan: The Lives of Japan's Greatest Men and Women [Mga Higante ng Hapon: Ang Buhay ng Mga Pinakadakilang Lalaki at Babae sa Hapon] (sa wikang Ingles). Kodansha International. ISBN 978-1-56836-324-0.
- ↑ Guth, Christine (2011). "Hokusai's Great Waves in Nineteenth-Century Japanese Visual Culture" [Mga Dakilang Alon ni Hokusai sa Kulturang Biswal ng Hapon Noong Ikalabinsiyam na Siglo] (PDF). The Art Bulletin (sa wikang Ingles). 93 (4): 468–485. doi:10.1080/00043079.2011.10786019. ISSN 0004-3079. PMID 00043079. S2CID 191470775. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 20 Hulyo 2020. Nakuha noong 14 Disyembre 2019.
- ↑ Calza, Gian Carlo (2003). Hokusai (sa wikang Ingles). London: Phaidon. ISBN 978-0-7148-4304-9.
- ↑ "Under the Wave off Kanagawa (Kanagawa oki nami ura), also known as The Great Wave, from the series Thirty-six Views of Mount Fuji (Fugaku sanjūrokkei)" [Sa Ilalim ng Alon sa Labas ng Kanagawa (Kanagawa oki nami ura), kilala rin bilang Ang Dakilang Alon, mula sa seryeng Tatlumpu't anim na Tanawin ng Bundok Fuji (Fugaku sanjūrokkei)]. Metropolitan Museum of Art (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2022-05-14. Nakuha noong 14 Mayo 2022.
- ↑ Hillier, Jack (1970). Gale Catalogue of Japanese Paintings and Prints in the Collection of Mr. & Mrs. Richard P. Gale [Katalogong Gale ng Mga Hapones na Pinta at Limbag sa Koleksiyon nina G. & Gng. Richard P. Gale] (sa wikang Ingles). Bol. 2. Routledge. ISBN 978-0-7100-6913-9.
- ↑ Ornes, Stephen (2014). "Science and Culture: Dissecting the "Great Wave"". Proceedings of the National Academy of Sciences of the United States of America. 111 (37): 13245. Bibcode:2014PNAS..11113245O. doi:10.1073/pnas.1413975111. ISSN 0027-8424. PMC 4169912. PMID 25228754.