Ang dam o prinsa ay isang istrukturang naglalayong harangan ang daloy ng tubig at iniipon ito sa isang lugar upang magamit sa iba’t ibang aplikasyon. Kadalasan, ang dam ay mayroong pambihirang laki. Ang unang dam na naitala sa kasaysayan ay ginawa noong 2900 B.C. na inilagay sa ilog Nile. Binuo ito upang maprotektahan ang siyudad ng Memphis mula sa pagbaha.

Ang Prinsa ng Edersee sa Hesse, Alemanya

Mayroong iba’t ibang dahilan para magtayo ng isang dam. Maaari itong gamitin bilang imbakan ng tubig para magamit ng mga tao. Maaari rin itong magamit upang makapaggawa ng kuryente gamit ang enerhiya ng umaagos na tubig mula sa itaas ng dam. Ang tubig na naimbak ay maaari ring gamitin na pangrasyon sa patubig ng mga pananim. Magagamit din ang dam sa pagkontrol ng baha at pagprotekta sa mga lugar na maaaring maapektuhan nito. Sa ibang aplikasyon, maaari ring magtayo ng dam upang ipunin ang mga dumi na nagagawa dahil sa pagmimina. Mayroon ding ibang dam na ginagawa upang makatulong sa nabigasyon sa tubig.

Mahalaga sa isang dam na hindi ito pinapasukan ng tubig. Ito ay upang maiwasan ang pagtagas ng iniipong tubig papunta sa kabilang bahagi. Bukod dito, napakahalaga din na matatag ang dam at hindi ito masisira ng basta basta. Kailangan din na kaya nitong tumayo sa kabila ng tulak o presyon ng tubig. Dapat ay mayroon din itong sapat na lakas at tibay upang manatiling nakatayo kung magkakaroon man ng mga di inaasahang kalamidad katulad ng lindol. Hindi rin ito dapat kayang itulak pasulong ng tubig. Dapat ay mayroon ding sistema ng paglabas ng tubig sa dam maging ito ay para sa pamamahagi sa mga komunidad o bilang isang aksiyong pangproteksiyon laban sa pag-apaw ng tubig sa dam.

Ang dam ay maaaring mahati sa dalawa batay sa kung saan ito gawa. Maaaring gawa sa konkreto ang isang dam o maaari namang gawa ito sa lupa. Ang dam na gawa sa konkreto ay karaniwang malalaki at buo na siyang humaharang sa pwersa ng tubig. Ang mga konkretong dam ay maaari pang iklasipika bilang ‘gravity dam’, ‘arch dam’ o ‘butress dam’. Samantala, ang mga dam naman na gawa sa ibinunton na lupa ay mayroong parte sa gitna na gawa sa putik at hindi tinatagasan ng tubig. Ang labas na parte naman nito ay gawa sa bato o lupa na may mas malalaking butil upang mabigyan ng lakas at suporta ang dam.

Mga sanggunian

baguhin
  NODES
Done 1
see 1