Regulador ng boltahe

Ang regulador ng boltahe ay isang elektronikong piyesa kung saan kusa nitong kinokontrol ang lumalabas na boltahe mula sa kanya. Bawat regulador ng boltahe ay naglalabas lamang ng iisang klase ng antas ng boltahe at hindi ito dapat bumababa o nagbabago kahit ilan pa ang nakakabit ditong mga elektronikong piyesa. Hindi rin dapat nagbabago ang lumalabas na antas ng boltahe mula sa regulador ng boltahe kahit pa ang boltaheng pumapasok rito ay mas mataas pa ang lebel sa boltaheng inilalabas nito.

May iba't-ibang uri ng mga regulador ng boltahe ayon sa kanyang pagkakagawa. Ang elektronikong regulador ng boltahe ay gumagamit ng mga elektronikong piyesa upang pigilin ang boltaheng nilalabas nito. Maaaring gumamit sya ng mga resistor o panakwil, diyodo o duhandas, at iba pa upang mapanatili ang lebel ng boltahe na iisa at hindi nagbabago. Ang elektromekanikal na regulador ng boltahe naman ay gumagamit ng mga kable ng kuryente na nakaikot upang maging isang elektromagneto na hihila sa bakal na nakakabit sa isang kuwerdas o spring. Nakakabit din ang bakal na ito sa isang sindihan o switch. Depende sa boltaheng dumadaan sa mga kableng nakapaikot ang paggalaw ng bakal na ito at sa switch na nakakabit dito. Ang elektronikong regulador ng boltahe at ang elektromekanikal na regulador ng boltahe ay iilan lamang sa mga uri ng regulador ng boltahe ayon sa disenyo nito ng pagkakagawa.

Dahil sa kakayahan nitong panatilihing hindi nagbabago ang nilalabas nitong antas ng boltahe ay madalas itong gamitin sa mga aparatong nagtutustos ng kuryente sa iba pang mga makina tulad ng isang power supply (panustos ng kuryente) sa isang kompyuter. Mahalaga ang isang panustos ng kuryente na hindi nagbabago sa mga makina upang hindi sila masira dahil kung pabagu-bago ang lebel ng kuryente ay hindi kakayanin ng ibang mga elektronikong piyesa ang pabugsu-bugsong dating ng kuryente dito. Ginagamit din ang mga regulador ng boltahe sa mga sasakyan, planta ng kuryente at mga substasyon nito upang patatagin ang daloy ng kuryente.

  NODES
Bugs 2