Ang storyboard ay isang graphic organizer na binubuo ng mga ilustrasyon o larawan na nakaayos ayon sa kanilang pagkakasunod-sunod upang inisyal na mailarawan ng isang tao sa kanyang isip ang pagkakasunod-sunod ng mga shots o eksena sa isang pelikula, animation, motion graphics, o interactive media. Ang proseso ng storyboarding, sa anyo na kilala ito sa kasalukuyang panahon, ay nilinang ng Walt Disney Productions noong mga unang bahagi ng taong 1930, matapos ang ilang taon na paggamit ng mga katulad na proseso sa Walt Disney at iba pang animation studios.

Pinagmulan

baguhin

Maraming mga tahimik na pelikula na pinaggastusan nang malaki ang ginawan ng storyboard, ngunit karamihan sa mga materyal na ito ay nawala sa panahon ng pagbabawas ng mga studio archives noong mga taong 1970 at 1980. Si Georges Melies, ang nanguna sa paggamit ng special effects, ay kilala bilang isa sa mga gumagawa ng pelikula na unang gumamit ng mga storyboard at pre-production art upang mailarawan sa isip ang mga nakaplanong effects. Gayunpaman, ang storyboarding sa anyo na kilala sa ngayon ay nilinang sa Walt Disney studio noong mga unang bahagi ng taong 1930. Sa talambuhay ng kanyang ama, The Story of Walt Disney (Henry Holt, 1956), ipinaliwanag ni Diane Disney Miller na ang mga kauna-unahang kumpletong storyboard ay nilikha para sa maikling pelikula na Three Little Pigs ng Disney noong 1933. Ayon kay John Canemaker, sa Paper Dreams: The Art and Artists of Disney Storyboards (1999, Hyperion Press), ang mga kauna-unahang storyboard sa Disney ay pinaunlad na bersyon ng mga ginawang “story sketches” na mala-comic book noong taong 1920 upang ilarawan ang mga konsepto para sa mga animated cartoon short subject tulad ng Plane Crazy at Steamboat Willie, at sa loob ng ilang taon ay lumaganap na ang ideyang ito sa iba pang mga studio.

Ayon kay Christopher Finch sa The Art of Walt Disney (Finch, 1995), kinilala ng Disney ang animator na si Webb Smith para sa paglikha ng ideya ng pagguhit ng mga eksena sa magkakahiwalay na papel at paglalagay ng mga ito sa bulletin board upang magkwento nang sunod-sunod, kaya naman nalikha ang kauna-unahang storyboard. Dagdag pa rito, ang Disney ang unang nakapansin ng pangangailangan ng mga studio na magpanatili ng isang hiwalay na “story department” kasama ang mga dalubhasang storyboard artist (isang bagong trabaho na naiiba sa mga animator), nang kanyang mapagtanto na ang mga manonood ay hindi manonood ng isang pelikula maliban kung sila ay binigyan ng dahilan ng kwento upang magkaroon ng pakialam sa mga karakter. Ang ikalawang studio na lumipat mula sa paggamit ng “story sketches” patungong storyboards ay ang Walter Lantz Productions noong mga unang bahagi ng taong 1935; sumunod naman ang Harman-Ising at Leon Schlesinger Productions noong 1936. Noong 1937 o 1938, lahat ng mga Amerikanong animation studios ay gumagamit na ng storyboards.

  NODES